Ibuburol ko na muna itong puso ko
Ititigil ko muna ang pagtibok nito
Sumusobra na ang tadhana sa pagsampal
Pagod na ang diwang umangal
Bumalik tayo sa unang bagyo
Nung sinabi niyang "tapos na tayo"
Hindi ko gustong humayo
Pero tangina masaya na kayo
Sino bang nagsabing ang wakas ay sasapit
at labis ipararamdam sa akin ang sakit?
Wala man lang pagbabanta o pagbabadya
Akala ko, akala ko lang pala.
Nawala ka na at nakawala na ako
Kaya siguro nakahanap agad ng bagong sino
Itong tao na akala ko'y mundo
Isa lang palang tula na ang tema ay dulo
Sa di mabilang na pagtatapos at wakas
Bakit tila mas mahapdi ang iyong bakas
Sa relasyong hangang susunod na bukas
Dalawang araw lang ngunit di na ko nakatakas
Pero dahil sadyang bagot at pala hanap
Kaya matapos non sa iba'y mayroong ganap
Di sadya, di sobrang gusto, nakatikim ng sarap
Na maraming gulo at kaunti ang tumanggap
Hindi ako nasabihan
Walang tunay na pagmamahalan
Hinding hindi tayo hahantong sa "walang hanggan"
Alam kong wala kahit ilang ulit mo pa kong balikan.
At ngayon heto nanaman ang tadhana
Nanaginip, natuwa sa mga tala
Ilang beses pang magpapa-gago
Gaanong pasensya ang dapat kong itago?
Hindi ko na kayang tapusin o ayusin
Bakit ang tadhana'y di pa ako kunin?
Ilang ulit mo pa kong lolokohin?
Bakit di mo pa aminin?
Pero pangako ibuburol na muna ang puso
Titigil na ko ng paghanap sa tamang tao
Wala ng santo sa mundong tila purgatoryo
Kaya hindi na muna magpapakanino
Titigil na ko at tatambay dito
Hahayaang bukas sa sarili
ang hapdi ng bawat mga naudlot na "kami"
Ibuburol muna ang puso at saka paghahandaan ang paglibing.
Dito muna ako sa sulok
Kung saan ang hangin ay usok
at gawa sa likido ang bawat tuktok
Dito na muna kahit nakasusulasok.
forever roadblock?
ReplyDeleteIDK what you mean.
ReplyDelete